ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Inilunsad kamakailan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pakikipagtulungan ng Agricultural Training Institute (ATI) of the Department of Agriculture (DA) ang dalawang Farm Field Schools (FFS) sa probinsya ng Romblon.
Ito ay bahagi ng ipinatutupad na Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ng pamahalaan.
Sa isang panayam kay TESDA Romblon Provincial Director Amir Ampao, sinabi ito na naglalayon ang FFS na mas mapayabong pa ng mga magsasaka ang kanilang kakayahan at kaalaman sa pamamagitan ng kanilang mga ginagawang pagsasanay upang mas maparami ang kanilang produksyon at mapataas ang kanilang mga kinikita.
"Ang pinaka-priority sector ng TESDA ay ang agriculture, construction at iba pa. Pagdating sa agriculture, nakikita ng ahensya na kailangang tutukan ito kasi marami tayong mga magsasaka na pwede pang palaguin ang kanilang mga skills," pahayag ni PD Ampao.
Ang isa sa mga FFS ay matatagpuan sa Barangay Anahao sa bayan ng Odiongan kung saan may kasalukuyang 25 magsasaka ang kasalukuyang nag-aaral patungkol sa agrikultura kagaya ng tamang pagpapatubo ng sili, mga epekto ng organic pesticides mga talong, epekto ng paggamit ng vermitea sa pagpapayabong ng mga kamatis, at ang pagpapataba ng ampalaya.
Sinabi ni Romblon Provincial Training Center Adminstrator Manuel Rabulan Jr. na itinaon nila ang pagsasanay ng 25 magsasaka sa panahon na hindi tagsibol ng mga nabanggit na gulay upang maliban sa pagsasanay ay makapag-develop rin ang mga magsasaka ng pamamaraan upang mapayabong ang mga ito.
Agosto nang magsimulang magsanay ang 25 magsasaka sa bayan ng Odiongan at inaasahang matatapos sila pagdating ng Disyembre.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga magsasakang nabigyan ng pagkakataong makapag-sanay sa ilalim ng TESDA dahil anila ay malaking bagay ito para sa kanilang hanapbuhay.
Sa maikling pahayag sa PIA Romblon, sinabi ni Alejandre Solis Jr. ng Organic Farmer's Producer and Processors Association of Odiongan (ORFPPASO), partner ng TESDA at ATI-Mimaropa sa FFS Vegetables Production sa Odiongan, na sa pamamagitan ng itinuturo sa kanilang TESDA, doon nila nakikita na kaya pala umanong maging "common" ang sistema sa pag-aaral ng agrikultura.
Sinabi rin nito na malaking tulong ang FFS na itinayo sa Odiongan dahil hindi na kailangang pumunta ng mga mag-aaral na magsasaka sa ibang rehiyon o ibang probinsya para mag-aral ng mga pakabago at natural na pamamaraan ng pagtatanim.
"Itong mga estudyante natin, hindi na sila pupunta sa ibang region, ibang probinsya, para magsanay doon dahil dito palang nakikita na nila kung paano," pahayag pa ni Solis. (PJF/PIA Mimaropa)