Naglagay ng VSAT Technology sa islang barangay ng Mangsee sa Bayan ng Balabac sa ilalim ng Free WiFi for all Project ang Department of Information and Communication Technology (DICT)-Luzon Cluster 3, ito ay upang magkaroon ng libreng internet access ang mga residente ng nasabing isla. (Larawan mula sa DICT-LC3)
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- 'Konektado' na ang Mangsee Island sa Balabac.
Ito ang ibinalita ng Department of Information and Communication Technology (DICT)-Luzon Cluster 3 sa pamamagitan ng kanilang Facebook page kamakailan.
Sa nasabing impormasyon, ipinabatid ng DICT na nakapaglagay na sila ng VSAT Technology sa islang barangay ng Mangsee sa Bayan ng Balabac sa ilalim ng 'Free WiFi for all Project'. Inilagay ang mga VSAT sa Mangsee National High School, Mangsee Elementary School at sa Barangay Hall.
Sa pamamagitan ng proyektong ito ay napagkalooban na ng libreng internet access o hotspots ang mga residente ng Mangsee, partikular na makikinabang dito ang mga mag-aaral ng nabanggit na mga paaralan.
Ang Mangsee ay isa sa pinakamalayong islang barangay ng Palawan na mas malapit sa Sabah, Malaysia kaysa sa Puerto Princesa City.
Ayon sa 2020 Census of Population ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 8,822 ang populasyon ng nasabing barangay. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)