LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng North Cotabato (PIA)—Nagpahayag ng suporta ang pamahalaang panlalawigan sa layunin ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na matulungan ang mga indibidwal sa kalakhang Maynila, na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya at mapapauwi sa kanilang lalawigan.
Ang hakbang na ito ay sa pamamagitan ng programang Balik Probinsya, Bagong Pag-asa.
Ayon kay Governor Nancy Catamco, nakahanda ang pamahalaang panlalawigan na tumulong dahil magkatulad din ang layunin ng nabanggit na programa sa Sagip Stranded program ng North Cotabato.
Sa naganap na pagpupulong ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Catamco, at DSWD XII, sa pangunguna naman ni Balik Probinsya Focal Person Jeremike Guabong, tinalakay ang mga panuntunang nakapaloob sa naturang programa.
Kasama rito ang livelihood assistance na P50,000 na matatanggap ng mga benepisyaryo upang makapagsimula ng panibagong hanapbuhay.
Dagdag pa dito, may tulong din na ibibigay para sa temporaryong bahay ng mga benepisyaryong walang tahanan o mauuwian sa probinsya. Magiging benepisyaryo din ang mga ito ng proyektong pabahay ng National Housing Authority (NHA).
Samanatala, base sa pagpupulong ay napag-alamang limang pamilya ang nakatakdang uuwi sa lalawigan at makikinabang sa Balik Probinsya, Bagong Pag-asa program. (With reports from IDCD-PGO)