TACURONG CITY, Sultan Kudarat (PIA) -- Kung patuloy na bababa ang kaso ng COVID-19 sa Tacurong City, maaaring muling buksan sa mga turista ang Baras Bird Sanctuary.
Sa panayam sa Laging Handa Network Briefing News noong Lunes, sinabi ni Mayor Lino Montilla na may posibilidad na mabubuksan sa publiko ang bird sanctuaryn kung patuloy na bababa ang kaso ng coronavirus disease sa lungsod..
"Sa ngayon close 'yong turismo natin; 'yong bird sanctuary close pa rin, pero naghahanda na kami na kung mababa pa rin ang [COVID-19] transmission incidence natin, maari na siguro nating buksan ang bird sanctuary," ayon sa alkalde.
Aniya, gagawing dahan-dahan ang pagbubukas sa lugar na isa sa pinakapaboritong pasyalan ng mga turista sa Soccsksargen Region.
Istrikto ring ipapatupad ang mga health protocols upang mas mapapababa o mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 dito.
Ang Baras Bird Sanctuary na matatagpuan sa Barangay Baras ay may lawak na 2.5 na ektarya. Tahanan ito ng tinatayang 20,000 migratory birds tulad ng Black Crown Night Heron, Great Egret, Immediate Egret at marami pang iba.