No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DOH: Community Based, Catch-up Immunization Program, kailangang ipatupad sa OccMdo

DOH: Community Based, Catch-up Immunization Program, kailangang ipatupad sa OccMdo

Binakunahan noong nakaraang taon ng MHO Mamburao ang kanilang mga bata para mapigilan ang pagkalat ng tigdas, rubella na maaaring mauwi sa outbreak. (MHO Mamburao)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Okt 21 (PIA)  -- Sa isinagawang virtual orientation para sa Rollout ng Community Based Immunization at Catch-up Immunization sa Occidental Mindoro, ay ipinaliwanag ng DOH Mimaropa ang kahalagahan na agad itong maipatupad sa buong lalawigan.

Kailangang mabakunahan laban sa iba’t ibang uri ng nakakahawa at nakamamatay na sakit ang mga bata sa lalawigan ngayong panahon ng pandemya, ayon sa Department of Health (DOH) Mimaropa.

Sinabi ni Ken Agoncillo, Provincial Expanded Program of Immunization Manager (EPI) ng Provincial Health Office, ang Community Based Immunization ay ang pagbibigay ng bakuna laban sa measles, rubella, tetanus at diphtheria (MRTD) sa mga batang 6 – 7 taong gulang at 12 – 13 taong gulang.

“Ito yung dating School-based Immunization Program, pero dahil walang pasok ang mga bata, dadalhin sa pamayanan ang pagbibigay ng mga bakuna,” ani Agoncillo.

Ang Catch-up Immunization naman aniya ay para sa mga batang wala pang dalawang taong gulang, at kabilang sa mga bakunang ibinibigay ay kontra Hepa-B, Meningitis, Tuberkulosis at Polio.

Ayon kay Teresa Du, Regional EPI Program Coordinator, walang panlaban sa mga nabanggit na mga sakit ang ilan sa mga bata sa probinsya dahil hindi rin naibigay ito noong nakaraang taon dulot ng pandemya. Aniya, nangangamba ang DOH na sakaling magkaroon ng outbreak, tulad ng measles, malaking pahirap ito lalo sa health system ng lalawigan na sa kasalukuyan ay may malaking gampanin sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) Vaccination Program.

Sinabi ng EPI Program Coordinator, may posibilidad na mangyari ang outbreak sa katapusan ng taon o kaya naman ay sa pagsisimula ng 2022, at ang ganitong mga pagtaya ay batay na rin sa historical data. Sa kasalukuyan aniya ay may mga rehiyong kinakitaan na ng pagdami ng mga batang may measles; bagamat iilan pa lamang ang kaso sa Mimaropa, hindi ito dapat ipagwalambahala.

Kaugnay nito, iminungkahi ng DOH Mimaropa na gumawa ng estratehiya ang Municipal Health Office sa pagtatakda ng schedule ng imunisasyon sa mga bata kaalinsabay ng COVID-19 vaccination sa mga nakatatanda. Maaari din aniyang hingin ang tulong ng ilang mga ahensyang may mga nurses, tulad ng National Commission on Indigenous Peoples, Bureau of Fire Protection at Department of Education.

Sinabi pa ni Du, na batid ng ahensya na dagdag-gawain ang Community-based at Catch-up Immunization, subalit kailangan ito upang mabigyan din ng proteksyon ang mga bata sa lalawigan. (VND/PIA MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch