No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

4 paaralan sa San Vicente, Palawan nabigyan ng solar photovoltaic system ng project RELY

4 paaralan sa San Vicente, Palawan nabigyan ng solar photovoltaic system ng project RELY

Ang dalawang Elementary School sa San Vicente, Palawan na nabigyan ng solar photovoltaic system ng project RELY ng Vivant Foundation. Maliban dito, may dalawa pang NAtional High Schools na nabigyan din ng kahalintulad na Proyekto sa nasabing bayan. (Larawan mula sa LGU-San Vicente)

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Apat na pampublikong paaralan sa bayan ng San Vicente, Palawan na pawang hindi naaabot ng serbisyo ng elektrisidad ang matagumpay na nakabitan ng solar photovoltaic system sa pamamagitan ng Project RELY o Renewable Energy for Livelihood and Youth ng Vivant Foundation.

Ito ay kinabibilangan ng New Canipo Elementary School at New Canipo National High School sa Barangay New Canipo at ng Old Caruray Elementary School at Caruray National High School sa Barangay Caruray.

Ilan sa mga component ng ipinagkaloob na solar pv system ay ang solar panels, inverter, batteries at balance of systems (BOS).

Kaya nitong magpagana ng nasa 50 desktop computers kada araw maging ang ilaw at bentilador sa mga silid aralan.

Mayroon ding charging station na nakalagay sa labas ng mga paaralan para magamit ng mga residente.

Ginanap ang pormal na turn-over ceremony ng nasabing proyekto kamakailan sa Municipal Gymnasium ng San Vicente.

Ito ay proyekto ng Vivant Foundation, Inc. ay pinondohan ng European Union. Katuwang din sa proyekto ang Sequa gGmbH at PROCESS Bohol, Inc.

Layon ng proyekto ang promosyon ng paggamit ng renewable energy para sa pagpapaunlad ng buhay ng mga mamamayan at sa pagtataguyod ng climate change mitigation sa mga mahihirap at malalayong komunidad sa rehiyon ng Central Visayas at Mimaropa sa pamamagitan ng pagpapailaw ng mga off-grid public schools.

Kahalintulad na proyekto rin ang tinanggap ng Marufinas Elementary School at New Panggangan Elementary School ng Puerto Princesa City.

Ang nasabing mga paaralan ang mapalad na napabilang mga ito sa 16 na off-grid schools sa bansa na nabigyan ng nasabing proyekto. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch