Naglunsad ang Government Service Insurance System (GSIS) ng isang mobile application na ‘GSIS Touch’ para sa mga miyembro at pensioners nito, ayon kay GSIS Executive Vice President Dionisio Ebdane Jr. sa Laging Handa Public Briefing nitong Lunes, Nobyembre 8.
Gamit ang GSIS Touch sa smart phone na may Internet, anumang oras ay pwede nang makita ang mga impormasyon ng miyembro at pensionado at iba-ibang serbisyo ng GSIS.
Dagdag pa ni Ebdane, dito ay makikita ang mga buong record ng mga miyembro, simula ng kanilang serbisyo sa gobyerno, at halaga ng insurance policy.
Ito din aniya ang pagkakataon upang ma-update o maiayos nila ang mga detalye ng kanilang membership.
Gayundin, madaling makikita sa app ang estado ng mga pautang at bayarin ng mga miyembro.
Pwede na ring mag aplay ng loan sa pamamagitan ng mobile app ng GSIS at bago makautang ay maaari din makita ang tentative loanable amount na pwedeng mahiram bago pa mag apply ang isang miyembro.
Ang iba pang mga benepisyo na binibigay ng GSIS ay makikita rin sa G-Touch tulad ng educational loan, retirement benefits at motor vehicle claim system kung sakaling may mangyaring aksidente sa isang miyembrong nito.
Hindi na rin kailangang magpunta ng personal ang mga pensionado para sa Annual Personal Information Revalidation (APIR) o sa iba pang sangay ng ahensya upang patuloy na maprotektahan laban sa COVID-19 virus ang mga pensionado.
Kailangan lang na i-download ang application sa smart phone, updated ang email account sa GSIS at alamin ang Business Partner Number para maayos na makapagrehistro.
Sa ibang detalye at mga katanungan, tumawag lang sa 24/7 GSIS contact center (02)847-4747. (ARR/PIA-IDPD)