LUNGSOD NG COTABATO (PIA)—Inilunsad kamakailan ng pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sa pamamagitan ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) ang programang “Unlad Pamilyang Bangsamoro Program” sa Carmen, North Cotabato na naglalayong matulungan ang mga mahihirap na pamilya sa rehiyon.
Sa isinagawang paglulunsad ay abot sa 123 mga kabahayan mula sa pitong mga barangay sa bayan ang nakatanggap ng livelihood grants, rice subsidies, at educational subsidies para sa mga kwalipikadong mag-aaral sa kolehiyo.
“Iba ito sa mga relief assistance na ibinibigay natin na one-time lang sa kanilang pangangailangan. Ang targeted nito yung mga pamilya na gusto natin na over a period of time ay umangat yung kanilang buhay,” sinabi ni MSSD Minister Atty. Raissa Jajurie.
Sa ilalim ng programa ay target ng MSSD na matulungan ang abot sa 23,829 na mga mahihirap na pamilya sa buong rehiyon sa pamamagitan ng livelihood seed capital na katumbas ng P15,000, skills training, buwanang 25 kilo ng bigas, at tulong medikal.
Ang mga benepisyaryo ng programa ay binubuo ng mga hindi miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at miyembro ng 4Ps na “graduating” mula sa programa dahil sa kawalan ng eligible children na may edad 0-18 taong gulang.
Sila ay natukoy base sa poverty incidence ng kani-kanilang mga lugar at base na rin sa resulta ng isinagawang social welfare development indicators (SWDI) survey. (With reports from BIO-BARMM).