No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga centenarians, natatanging indibidwal, kinilala ng Lucena City gov’t

LUCENA CITY, Quezon (PIA) — Ilang mga natatanging residente kabilang ang mga centenarians ang binigyang parangal ng pamahalaang lungsod ng Lucena bilang bahagi ng selebrasyon ng ‘Linggo ng Lucena’ kamakailan.
 
Ayon sa Lucena City Public Information Office, may siyam na residente na nagpamalas ng husay at kakayahan sa iba’t ibang larangan ang kinilala bilang mga ‘Natatanging Lucenahin 2021.’
 
Kabilang sa mga ito sina Retired Gen. Recaredo Sarmiento II sa larangan ng pagseserbisyo sa gobyerno,  Nilo Alcala II sa larangan ng musika, Mr. Artemio Bermido sa kategorya ng sining, Noelle Nikki Camille Zoleta sa pampalakasan, Dr. Rogel Limpiada Dr. Maria Angela Vidal para sa larangan ng edukasyon.
 
Ginawaran din ng parangal sina Engimar Camonias sa larangan ng pagnenegosyo, PLt. Gen. Dionardo Carlos sa kategoryang propesyunal at Sr. Consuelo Custodio, DC na tumanggap naman ng Gawad Posthumous.
 
Layunin ng parangal na makilala ang mga kontribusyon ng mga ‘Natatanging Lucenahin’ upang magsilbing insipirasyon sa mga residente para linangin ang kahalagahan ng community service na siyang susi tungo sa paglago at pagiging progresibo ng isang highly-urbanized city tulad ng Lucena.
 
Ayon kay Mayor Roderick Dondon Alcala,  nararapat lamang na bigyan ng pagkilala ang mga indibidwal na nabanggit dahil sa pagpapakita ng kahusayan at angking talino sa kani-kanilang mga larangan. 
 
Ang pagpili at pagbibigay ng parangal sa mga natatanging Lucenahin ay isa sa mga pinaka-inaabangang tampok sa paggunita ng Linggo ng Lucena.
 
Samantala, may 10 centenarian din ang tumanggap ng pagkilala mula sa pamahalaang lungsod.

Iginawad ni Alcala ang naturang parangal sa mga ito na siyang mga maituturing na yaman ng kasaysayan at kultura ng lungsod.
 
Ayon  kay Alcala, ang  mga centenarian ang silang nagdadala ng tunay na marka ng pagiging Lucenahin dahil sa nasaksihan ng mga ito sa loob ng 100 taon ang mga pagbabagong natamo ng lungsod ng Lucena.
 
Binigyang diin pa ng alkalde na ang mga ito ang patunay na walang hindi mararating anumang krisis at panahon sa tulong ng pagkakaisa ng lahat patungo sa maunlad na pamumuhay.
 
Ayon sa Lucena City PIO, ang paggagawad  sa mga centenarian sa lungsod at pagkilala sa mga natatanging Lucenahin ay ilan lamang sa mga parangal para sa pagdiriwang ng Linggo ng Lungsod ng Lucena para sa taon na ito. — Ruel Orinday, PIA Quezon
 

About the Author

Fredmoore Cavan

Information Officer II

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch