No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Bello mas palalakasin tulong sa mga manggagawa, employment rate sa gitna ng pandemya

LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) -- Nangako kahapon si Labor Secretary Silvestre Bello III na mas palalakasin pa ng pamahalaan ang tulong nito para sa mga manggagawa kasunod ng desisyon nitong isantabi ang kanyang pagtakbo sa Senado.

Sinabi ni Bello na mas gugustuhin niya pang tulungan ang mga nangangailangang manggagawa na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya kaysa lumahok sa halalan sa susunod na taon.

Nakikita ko na mas dapat tugunan ang pangangailangan ng mga manggagawang nawalan ng trabaho kaya hindi na ako lalahok sa eleksiyon,” wika niya.

Sinabi ni Bello na mahalagang maiparating ang mga programa ng pamahalaan sa lahat ng manggagawa, kabilang ang mga overseas Filipino worker (OFW).

Kasunod ng kanyang desisyon na manatili bilang Kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE), nangako rin si Bello na gagawin ang lahat upang makabawi ang employment rate mula sa mga krisis na dala ng COVID-19.

Ito ang isa sa aking mga prayoridad sa aking pananatili sa DOLE. Kailangan nating ibalik ang mga trabahong nawala sa ating mga manggagawa dahil sa global outbreak,” pahayag niya. 

Sinabi ni Bello na mas nanaisin niyang ipagpatuloy ang kanyang mga tungkulin sa DOLE at sa International Labour Organization (ILO) kung saan siya ang kasalukuyang namumuno sa government group.

Matapos pangunahan ang ILO conference noong nakaraang buwan sa Switzerland, sinabi ni Bello na plano niyang higit pang itulak ang demokratisasyon sa kinatawan ng UN sa pagpupulong na nakatakda sa Nobyembre 25 ngayong taon.

“Aking ipagpapatuloy ang pagtataguyod para sa mas demokratikong ILO upang ang lahat ng bansa kasama ang mga maliliit ay makapagpahayag ng kani-kanilang adbokasiya,” sabi ni Bello.

Humingi ng paumanhin ang Kalihim sa kanyang mga taga-suporta para sa Senado, at sinabi na ang kanyang desisyon ay para sa higit na ikabubuti ng mga manggagawa at mamamayan. (DOLE/PIA-NCR)

About the Author

Susan De Leon

Assistant Regional Head

NCR

IO 3

Feedback / Comment

Get in touch