No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Simula Disyembre, PPCWD mangngolekta na ng 'septage fee'

Simula Disyembre, PPCWD mangngolekta na ng 'septage fee'

PUERTO PRINCESA, PALAWAN, (PIA) -- Mangongolekta na ang Puerto Princese City Water District (PPCWD) simula sa buwan ng Disyembre ng P2.00 Septage  fee.

Kasunod ito ng pagsimula ng operasyon ng Septage and Sewerage Management Project (SSMP) ngayong Nobyembre.

Sa panayam ng PIA Palawan kay Jen Rausa, tagapagsalita ng PPCWD, sinabi niya na makikita na ito sa mga water bills sa susunod na buwan base sa nakonsumong tubig.

“Kami po sa water district magbi-base ang ating septage fee doon sa consumption ng consumer natin nitong Nobyembre, kaya magre-reflect yan sa Disyembre na bill,” ayon pa kay Rausa.

Halimbawa aniya, kung ang nakonsumong tubig ay 20 cubic, ito ay imu-multiply sa P2.00 kaya ang magiging septage fee ay P40.00.

Kinumpirma ng Puerto Princesa City Water District (PPCWD) na mangongolekta na sila ng P2.00 Septage fee simula sa Disyembre 2021 base sa nakonsumong tubig. (Larawan mula sa PPCWD)

Nilinaw naman ni Rausa na ang septage fee ay hindi pagtaas ng bayarin sa tubig at hindi rin ito mapupunta sa PPCWD kaya sa water bill ay makikitang nakahiwalay na nakasulat ang septage fee. Noong Agosto aniya ay nagkaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) ang PPCWD at ang Puerto Princesa Water Reclamation and Learning Center Inc. (PPPWRLC), ang operator ng (SSMP) para  maging collecting agent o tagakolekta lamang ang PPCWD.

Para naman hindi mabigla ang mga water consumer ay nagsagawa na aniya sila ng information dissemination sa pamamagitan ng inilibas nilang 'Septage Primer' at muli nila itong gagawin para makapagbigay alam din sa mga walang social media accounts.

Ipinaliwanag rin ni Rausa na mahalaga ang kooperasyon ng lahat ng mga mamamayan para maipatupad ang proyekto para mapangalagaan ang kalidad ng tubig at kapaligiran ng siyudad.

Ang SSMP ay proyekto ng Pamahalaang Panlunsod ng Puerto Princesa katuwang ang PPCWD at PPWRLC na nakabatay sa RA 9275 o Philippine Clean Water Act at City Ordinance No. 737 o Septage Management Program in Puerto Princesa City kung saan ang siyudad ang kauna-unahang gagamit ng Innovative economical Septage and Sewerage Treatment Plant (ieSSTP).(MCE/PIA-MIMAROPA, PALAWAN)


About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch