LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) -- Aabot sa 19 na komunidad at 345 na pamilya mula sa National Capital Region (NCR) ang nakinabang sa Gulayan sa Pamayanan, isang proyektong nagbibigay ng "urban gardening technologies."
Ang Gulayan sa Pamayanan ay pinangasiwaan ng dalawang ahensya ng Department of Science and Technology (DOST): ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) at ang DOST-National Capital Region (DOST-NCR).
Ibinahagi ng proyekto ang mga materyales na kakailanganin para sa dalawang teknolohiya: ang "Enriched Potting Preparation (EPP)" at "Simple Nutrient Addition Program (SNAP) Hydroponics."
Dinebelop ni Dr. Eduardo P. Paningbatan, Jr., isang retiradong propesor ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) ang EPP, samantalang si Dr. Primitivo Jose A. Santos at Dr. Eureka Teresa M. Ocampo ng UPLB-Institute of Plant Breeding (IPB) ang nakapagdebelop ng SNAP hydroponics.
Ang EPP ay isang teknolohiya na gumagamit lamang ng mga ‘recycled’ na bote ng ‘soft drink’ bilang paso at ginagamitan ng ‘potting medium’ at ‘coco coir’ bilang lupa sa paso. Ginagamitan din ito ng compost soil extract (CSE) na dinebelop din ni Dr. Paningbatan. para sa teknolohiyang ito.
Samantala, ang SNAP hydroponics ay gumagamit ng mga recycled na kahon at basong gawa sa styrofoam, at ‘growing media’ na binubuo ng ‘coco peat,’ ‘carbonized rice hull,’ ‘saw dust,’ at pinong buhangin.
Dinebelop din ni Dr. Santos at Dr. Ocampo ang SNAP A at B, dalawang ‘nutrient solutions’ kung saan kukuha ng ‘nutrients’ ang halaman.
Ayon kay Dr. Reynaldo V. Ebora, Executive Director ng DOST-PCAARRD, pinili ang mga benepisyaryo ng programa sa Community Empowerment thru Science and Technology, isang programa ng DOST na nagnanais na matugunan ang kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kabuhayan.
Ang labing-siyam na komunidad ay ang mga barangay sa Muntaparlas (Brgy. CAA, Las Piñas; Brgy. BF Homes, Phase 3, Parañaque City; Don Bosco, Parañaque City; Doña Rosario Heights and Paradise Garden group ng Sucat), at GAD, MCTI, Putatan sa Muntinlupa City); Pamamazon (Brgy. 412, Sampaloc, Manila; Claro M. Recto High School, Brgy. 412, Sampaloc, Manila, at Brgy. Pildera) sa Pasay City); Pamamarisan (Brgy. Nangka, Brgy. Concepcion, THAI, Brgy. Concepcion Uno, Fortune, at CEMO) sa Marikina City); at sa Camanava (Brgy. Pasolo, Brgy. Balangkas, Brgy. Tanza 1, at Brgy. Tanza 2) sa Navotas City. (PIA-NCR)