LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) -- Masayang ibinalita ng Department of Transportation (DOTr) na dumating na sa bansa ang unang 8-car trainset para sa Philippine National Railways Clark Phase II.
Ayon sa DOTr, kasalukuyan nang nasa Port of Manila ang trainset para sa PNR Clark Phase 1 (Malolos-Clark), na bahagi ng 13 trainsets na binili ng ahensiya mula sa Japan Transport Engineering Company at Sumitomo Corporation.
"Ito na ngayon ay dadaan sa custom clearances. Sa oras na cleared na ang trainset, dadalhin na ito sa Malanday Depot sa Valenzuela itong darating na Disyembre," sabi ng DOTr.
"Dumaan at nakapasa sa Factory Acceptance Test sa J-TREC Factory sa Japan ang trainset noong Oktubre 2021, bago ito ma-deliver sa bansa," pahayag pa ng ahensiya.
Mga kuha mula sa DOTr Facebook
Dagdag pa rito, ang pangalawang trainset para sa project ay inaasahan namang darating sa bansa sa 2nd quarter ng 2022.
Paliwanag ng DOTr, oras na maging operational ang PNR Clark Phase 1, na kokonekta sa Malolos, Bulacan, at Tutuban, Manila, magiging mabilis, seamless, at kumportable na ang biyahe ng ating mga kababayan, dahil magiging 35 minuto na lamang ang biyahe, mula sa kasalukuyang isang (1) oras at 30 minuto. Inaasahan din na nasa 300,000 pasahero ang mase-serbisyuhan nito. (DOTr/PIA-NCR)