No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

188 katao, nabigyan pagsasanay ng DTI Negosyo Center ngayong Nobyembre

188 katao, nabigyan pagsasanay ng DTI Negosyo Center ngayong Nobyembre

Abot sa 188 indibidwal mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ang nabigyan ng mga pagsasanay ng Negosyo Center (NC) ng Department of Trade and Industry (DTI) ngayong Nobyembre. (DTI Occ Mdo)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Abot sa 188 indibidwal mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ang nabigyan ng mga pagsasanay ng Negosyo Center (NC) ng Department of Trade and Industry (DTI) ngayong Nobyembre.

Ang NC ay programa ng DTI para sa mga usaping kaugnay ng pagnenegosyo at nagkakaloob ng mga serbisyo at pagsasanay sa mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) at sa sinumang interesadong maging negosyante. Bawat bayan sa probinsya ay may tanggapan ng Negosyo Center.

Ayon kay Nornita Guerrero, OIC-Provincial Director ng DTI Occidental Mindoro, dahil sa pandemya ay naging limitado lamang ang mga proyekto ng NC. Aniya, ang mga nakalinyang training noon ay nangangailangan ng face-to-face interaction kaya hindi agad naisagawa. “Subalit nang magsimula tayong magkaroon ng kaluwagan, ibinuhos na natin at nagsunod-sunod na ang mga pagsasanay,“ ani Guerrero.  

Kabilang sa mga ito ay ang Training on Smoked Fish Processing kung saan 10 fish vendors mula bayan ng Looc and dumalo; Coconut Processing Training para sa limang maybahay ng mga magniniyog ng Mamburao; at, pagsasanay sa paggawa ng atsara na dinaluhan ng 11 benepisyaryo ng Pantawid Pamilya mula bayan ng Abra de Ilog. Sa kabuuan, nakapagsagawa ng 12 iba’t ibang mga pagsasanay ang DTI-NC para sa buwang ito.

Hindi lamang mga training ang ipinagkakaloob na tulong ng DTI. Ayon sa DTI Provincial Director, sakaling magpasiya ang mga dumalo na ipagpatuloy at gawing negosyo ang kanilang natutunan, sisikapin ng ahensya na mapasama sila bilang benepisyaryo ng Livelihood Seeding Program- Negosyo Serbisyo sa Barangay (LSP-NSB) sa susunod na taon upang makatanggap ng mga kaukulang materyales at equipment para sa pinasok na negosyo.

Kaugnay nito, inaanyayahan ni Guerrero ang mga indibidwal o grupo na interesado ring sumabak sa mga pagsasanay o matuto sa pagnenegosyo na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na Negosyo Center upang mapabilang sa mga nakalinyang programa para sa 2022. (VND/PIA MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch