LUNGSOD NG BATANGAS(PIA)- - Ginawaran ng Department of Interior and Local Government ng Safety Seal Certification for Government Entities ang Batangas City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) noong ika-26 ng Nobyembre.
Ito ay bilang pagpapatunay na naipapatupad nito ang Minimum Public Health Standards (MPHS) na itinakda ng Joint Memorandum Circular No. 21-01ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Health (DOH), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Tourism (DOT) at Department of Trade and Industry (DTI).
Personal na iginawad ni DILG Officer Esther Dator ang seal kay CDRRM Officer Rodrigo Dela Roca kasama ang mga miyembro ng Safety Seal Inspection and Certification Committee na kinabibilangan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Batangas City PNP.
Ilan sa mga checklist na kailangang maipatupad upang mabigyan ng safety seal certificate ang mga sumusunod: pagkakaroon ng contact tracing tool gaya ng Staysafe.PH at mga kagaya nitong app, thermal scanner para sa mga empleyado at kliyente, health declaration sheet, QR codes para sa mga contact tracing tool, isolation area para sa mga identified symptomatic employees.
Kinakailangang mayroon ding COVID 19 emergency hotlines na nakapaskil sa strategic na lugar, handwashing stations, physical barriers para sa social distancing at personnel-in-charge para dito, may sapat na bentilasyon alinsunod sa DOLE Dept Order 224-21, disinfection protocol, regular na paglilinis at disinfection ng lugar, pagsusuot ng face masks at face shield, pagkakaroon ng mga Safety Officers gayundin ang pagkakaroon ng storage facility para sa mga gamit na face mask at ibang infectious wastes.
Ang CDRRMO ang unang tanggapan ng pamahalaang lungsod na nabigyan ng Safety Seal bagamat madaming mga business establishments na sa lalawigan ng Batangas ang nabigyan ng naturang seal. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas with reports from PIO Batangas City)