LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng North Cotabato (PIA) -- Kaugnay ng selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon, sinimulan na ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kampanya ukol sa mas ligtas na pamayanan sa pamamagitan ng Oplan Paalala Iwas Paputok.
Sa pulong-balitaan kamakailan na pinangunahan ng Department of Health, kasama ang ilang mga opisina ng gobyerno, binigyang-diin ni BFP-North Cotabato acting provincial fire director CInsp. Leilani Bangelis ang kahalagahan ng pag-iwas sa firecrackers at pyrotechnics upang maprotektahan hindi lamang ang sarili kundi maging ang komunidad.
Ani Bangelis, puspusan ang pag-iikot ng mga kawani ng BFP sa lahat ng bayan sa probinsya upang paalalahanan ang publiko sa negatibong dulot ng mga paputok. Aniya, mas mainam na manood na lamang ng mga community fireworks display sa halip na magpaputok.
Samantala, sinabi ng opisyal na ngayong kapaskuhan, minomonitor ng BFP hindi lamang ang mga paputok kundi pati na rin ang electrical wirings ng mga bahay at establisyemento.
Ayon kay Bangelis, hindi maiiwasan ang mga insidente ng sunog tuwing Disyembre dahil na rin sa mga paputok at mga ikinakabit na Christmas decorations. Samantala, sinabi niya na wala namang naitalang sunog sa lalawigan dahil sa paputok noong nakaraang taon.
Upang masigurong walang maitatalang firecracker related injuries at insidente ng sunog na may kinalaman sa paputok, hiniling ngayon ng BFP sa publiko lalo na sa media na makiisa sa Oplan Paalala Iwas Paputok.
Iginiit naman ni Bangelis na nakaantabay ang BFP upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga bahay, establisyemento, at mamamayan ngayong panahon. Payo naman ng opisyal na bisitahin ang mga Municipal Fire Station para sa mga katanungan o mga nais na isangguning may kaugnayan sa pag-iwas sa sunog. (PIA Cotabato Province)