No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Higit P100M farm machineries ipinamahagi sa mga magsasaka sa NCot

LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng North Cotabato (PIA) -- Abot sa P116.8 milyong halaga ng farm machineries ang ipinamahagi sa higit 8,000 magsasaka na miyembro ng mga irrigators and farmers association at mga kooperatiba dito sa lalawigan nitong Miyerkules.

Kabilang sa mga kagamitang pansaka na ipinagkaloob ay 36 na four-wheel tractor, tatlong hand tractor, 12 floating tiller, dalawang PTO-driven disc plow, dalawang precision seeder, pitong walk behind transplanter, apat na riding transplanter, apat na reaper, 30 combine harvester, at isang axial flow thresher.

Ito ay mapakikinabangan ng mga benepisyaryong magsasaka sa mga bayan ng Pigcawayan, Midsayap, Pikit, President Roxas, Antipas, Kabacan, Matalam, M’lang, Tulunan, Libungan, Carmen, at lungsod ng Kidapawan.

Ang pamamahagi ng tulong ay isinakatuparan sa pangunguna ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech, sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture o DA XII at ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato.

Nabatid na ang mga nabanggit na farm machinery ay pinondohan sa ilalim ng Rice Competitive Enhancement Fund o RCEF-Mechanization Component ng DA.

Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Governor Nancy Catamco si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa suporta at malasakit nito sa sektor ng agrikultura at sa pagbibigay ng makabagong teknolohiya na makatutulong sa mga magsasaka ng lalawigan.

Sa kabilang banda, pinaalalahanan naman ni DA-PhilMech Operations Division Chief Joel Dator ang mga benepisyaryo na gamitin nang wasto at tama ang makinaryang ipinagkaloob ng gobyerno.

Matatandaang nitong Pebrero ay namigay din ng abot sa P163.8 milyong halaga ng farm machineries ang DA-PhilMech sa mga magsasaka ng probinsya.  (With reports from IDCD-PGO)


About the Author

Shahana Joy Duerme-Mangasar

Writer

Region 12

Feedback / Comment

Get in touch