No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Obra-maestra ng isang pintor, naging inspirasyon sa kabila ng COVID-19 pandemic sa isang exhibit sa Butuan City

LUNGSOD NG BUTUAN -- Temang “Pagkakaisa ng bawat Pamilyang Pilipino sa kabila ng COVID-19 pandemic” ang naging inspirasyon ng isang pintor sa Butuan City.
 
Sa kanyang Solo Art Exhibit, pinamagatan ni Ronnie Rudinas ang kanyang mga obra ng ‘Konektado’.
 
Si Rudinas, na isa sa mga tanyag at kilalang pintor ng lungsod ay kanyang ipinahayag sa kanyang mga makukulay na kwadro ang kahalagahan ng pagtutulungan at pagkakaisa para malampasan ang ano mang hamon, lalo na ngayong may pandemya.
 
“Konektado kasi iisa tayo sa mata ng Diyos, sa likas na yaman, at sa lipunan. Ang exhibit na ito ay para sa mga mahihilig sa kwadro at para magbigay inspirasyon din lalo na doon sa mga kabataang gusto mahasa pa ang kanilang kakayahan at talento sa pagpipinta,” ani ni Rudinas.
 
Maliban sa pagiging pintor, isa ring banker si Rudinas; isang ama at asawang nagsusumikap na malampasan ang mga hamon sa buhay at ang panganib na dulot ng COVID-19.
 
Naging tanyag na rin si Rudinas sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa dahil na rin sa makabagbag-damdaming mensahe ng kanyang mga obra.
 
Hinikayat din ni Rudinas ang mga kabataang may interest sa pagpipinta na mas pagbutihin pa ang kanilang gawa at patuloy na magbigay inspirasyon sa pamamagitan ng kanilang obra maestra.
 
“Umaasa akong mas magiging matatag po tayo lalo na ngayong panahon ng COVID-19 pandemic at patuloy po tayo sa pagbahagi ng kasiyahan sa ating kapwa Filipino. Para naman sa mga kabataan, pagbutihin niyo lang at hasain pa ang inyong mga talent sa pagpipinta ng inyong mga sariling obra,” banggit ni Rudinas. (JPG/PIA-Caraga)
 

About the Author

Jennifer Gaitano

Writer

CARAGA

Feedback / Comment

Get in touch