No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pinagtibay na Foreign Investments Act para sa mas maraming trabaho at mas malakas na ekonomiya -Gatchalian

MAYNILA, (PIA) -- Ang pagluluwag ng mga panuntunan sa mga dayuhang negosyante ay makapagbibigay ng trabaho lalo na sa mga Pilipinong apektado ng pandemya at mapapabilis ang pagpapasigla ng ekonomiya ng bansa, ayon kay Senator Win Gatchalian.

Kamakailan lang ay niratipikahan na ng dalawang kapulungan ng kongreso ang bicameral conference committee report sa inamyendahang Foreign Investments Act of 1991.  

Ang pag-amyenda sa Foreign Investments Act ay napapanahon lalo na ngayong unti-unti na nating binubuksan ang ekonomiya. Makakaasa ang mga mamumuhunan ng suporta mula sa gobyerno upang maging mas kaakit-akit na destinasyon ang bansa para sa mga mamumuhunan na gustong magtayo ng negosyo dito,” ani Gatchalian, isa sa may-akda ng Senate Bill No. 1156.

Sa pag-amyenda ng FIA, mahihikayat na ang mga dayuhang propesyonal na magtrabaho sa bansa at ibahagi ang kanilang kaalaman, kadalubhasaan, kasanayan at teknikal na kaalaman upang palawakin at itaas ang kalidad ng pagtatrabaho ng mga Pilipino sa domestic at international labor markets.

Sa pagbabahagi ng kanilang kaalaman at teknolohiya, magiging mas kaaya-aya ang bansa sa pagnenegosyo na siyang daan upang mahimok ang mas marami pang dayuhang negosyante na magtayo ng negosyo dito na nangangailangan ng mga manggagawang may mataas na kasanayan,” sabi ni Gatchalian.

Kasunod ng unti-unti nating pagbangon mula sa pandemya, makakaasa tayo na lalawak pa ang merkado kapag naisabatas na ang panukalang ito. Kasunod niyan ay ang pagbubukas ng mas maraming trabaho para sa ating mga kababayan,” dagdag pa niya.

Kasama sa nasabing panukalang batas ang suhestyon ni Gatchalian na magtatag ng online portal na magsisilbing central database, kasama na ang pagkakaroon ng directory ng mga local partners mula sa mga priority sectors na siyang magiging daan sa pagtataguyod ng negosyo.   

Kasama rin sa inamyendahang FIA ang isa pang panukala ni Gatchalian na payagan ang mga start-up at startup enablers, na itinataguyod ng mga lead host agencies alinsunod sa RA 11337, na mapondohan ng mga dayuhan ng hindi bababa sa kapital na P100,000 upang pasimulan ang mga sasabak sa negosyo sa bansa.

Ang mga amendments na ito ay inaasahang mauuwi sa tinatawag na foreign investment regime na akma sa pabago-bagong takbo ng ekonomiya. Ang pagtanggap natin sa mga pagbabagong ito ay maaaring magdala sa atin sa antas kung saan pwede tayong makipagsabayan sa ating mga karatig-bansa," aniya. (OSWG/PIA-NCR)

About the Author

Jerome Carlo Paunan

Editor

NCR

Feedback / Comment

Get in touch