May 272 na indibidwal ang tumanggap ng livelihood kits mula sa Department of Trade and Industry (DTI) Occ Mdo sa ilalim ng Livelihood Seeding Program- Negosyo Serbisyo sa Barangay (LSP-NSB). (DTI Occ Mdo)
SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- May dalawangdaan pitongpu't dalawang indibidwal ang tumanggap ng livelihood kits kamakailan mula sa Department of Trade and Industry (DTI) Occidental Mindoro sa ilalim ng Livelihood Seeding Program-Negosyo Serbisyo sa Barangay (LSP-NSB).
Ang LSP-NSB ay programa ng DTI na may layong tulungan ang mga Micro Small and Medium Enterprises (MSMEs) na nasa vulnerable communities, gaya ng pamayanan ng mga katutubo. Benepisyaryo din ang mga MSMEs na may negosyo sa mga lugar na naapektuhan ng Local Communist Armed Conflict (LCAC) at anumang uri ng kalamidad, tulad ng kasalukuyang umiiral na pandemya.
Ayon kay Nornita Guerrero, OIC Provincial Director ng DTI, ito ang huling batch ngayong taon ng mga MSMEs na nakatanggap ng livelihood kits na naglalaman ng mga gamit para sa sari-sari store at karinderya. Ang mga ito ay mula sa bayan ng Magsaysay, Rizal, Calintaan, Sablayan, Mamburao, Abra de Ilog at Sta Cruz.
Saad ni Guerrero, upang matukoy ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay nagsasagawa ng environmental scanning ang mga DTI-Negosyo Center, na matatagpuan sa iba’t ibang bayan sa lalawigan. Maaari din aniyang magpatala ang mga MSME’s na nais mapabilang sa programa. “Sasailalim muna sila sa verification. Kailangang sila ay may tunay na negosyo at pasok sa mga pamantayang hanap ng programa,” ayon pa sa Provincial Director.
Dagdag pa ni Guerrero, kabilang sa mga pamantayan ng LSP-NSB ay ang pagiging rehistrado ng isang negosyo. Maaari aniyang magparehistro ang MSME ng kanilang negosyo sa DTI.
Sa mga nakalipas na panayam kay DTI Regional Director Joel Valera, ay sinabi nitong nais niyang madagdagan ang pondong nakalaan para sa LSP-NSB dahil marami aniyang natutulungan ang nasabing programa. Sakaling matupad ito, bawat probinsya sa Mimaropa ay posibleng magkaroon ng tig-P2 milyong pondo para sa nabanggit na programa. (VND/ PIA MIMAROPA)