No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga talento ng kabataan sa Caraga region, ibinida sa National Children's Month

LUNGSOD NG BUTUAN - Bilang pagdiriwang sa National Children's Month, aktibong nakilahok at nagpakitang gilas sa kanilang mga talento ang mga kabataan sa Caraga region at tumanggap ng patimpalak mula sa Regional Committee for the Welfare of Children (RCWC).
 
Ibat-ibang contest tulad ng Kids Showtime, Advocacy Videos, at Spoken Poetry ang sinalihan ng mga kabataan mula sa ibat-ibang paaralan sa mga probinsya ng rehiyon.
 
Personal na nagpaabot ng mensahe ang bagong itinalagang executive director ng Caraga Children Advocates Network (C.A.N) na si Kenneth Salinas sa mga nagwaging kalahok at hinikayat ang mga ito na mas maging aktibo sa pagawa ng makabuluhang gawain na makatutulong sa kanilang pag-unlad at sa komunidad.
 
“Dahil sa COVID-19 pandemic, naging limitado ang ating pagkilos at paglabas ng bahay dahil na rin sa striktong ipinapatupad na health protocol. Ngunit tayo rin ay mas nagsumikap na maging kapakipakinabang sa ating komunidad sa pagtulong sa kapwa para sama-sama tayong makaahon sa pandemya,” ani ni Salinas.
 
Patuloy din ang suporta ni Wilrick Maurice Mickael Sebastien Vladimir Goubelle, ougoing executive director, Caraga C.A.N. sa organisasyon ng mga kabataan. “Patuloy kong susuportahan ang mga kabataan sa kanilang mga hangarin at Gawain na makakatulong sa bayan,” banggit niya.
 
Binigyang-diin din ni Assistant Regional Director Donald Seronay ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Caraga ang mahalagang papel at tungkuling ginagampanan ng mga lokal na pamahalaan sa implementasyon ng mga polisiya, programa at serbisyo para sa kabutihan at kapakanan ng mga bata.
 
“Ang Children’s Month ay isinulong hindi dahil para lang tayo ay magbigay regalo sa mga bata (dahil pwede naman nating Gawain ‘yun kahit ano mang oras) kundi dahil para mas matutukan natin ang sector at maibigay sa kanila ang nararapat na mga serbisyo at programa,” pahayag ni Seronay.
 
Samantala, tumanggap din ng plake ang mga natatanging ahensiya ng pamahalaan, indibidwal at mula sa pribadong sektor na may malaking nai-ambag sa pagtiyak na maisakatuparan ang mga programa para sa mga kabataan. (JPG/PIA-Caraga)

About the Author

Jennifer Gaitano

Writer

CARAGA

Feedback / Comment

Get in touch