LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Abot sa 28 Farmer’s Cooperatives and Associations na may kabuuang 4,803 na miyembro ang nakatanggap kamakailan ng agricultural machineries mula sa Department of Agriculture-Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (DA-PHilMech), sa pakikipagtulungan ng Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform (MAFAR) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Kabilang sa ipinamahaging agricultural machineries ay 12 units ng four wheel tractor, 18 units ng hand tractor, 10 units ng floating tiller, 1 unit precision seeder, 6 units walk-behind transplanter, 10 units reaper, 3 units combine harvester, 10 units axial flow thresher, at 1 unit recirculating dryer.
Sa kanyang naging pahayag ay ipinaliwanag ni DA Secretary William Dar ang mga benepisyo ng comprehensive mechanization farming sa bansa na tumutugon sa mataas na gastos sa produksyon at post-harvest loses kumpara sa tradisyonal na paraan ng pagsasaka.
Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat si MAFAR Minister Mohammad Yacob sa DA-PHilMech para sa mga farm machinery na malaking tulong aniya para sa mga magsasaka upang mapataas pa ang estado ng kanilang pamumuhay.
Ayon sa MAFAR, ang ipinamahaging farm inputs ay nagkakahalaga ng P34,665,000 mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund-Mechanization Component program. (With reports from BIO-BARMM).