LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Abot sa 76 youth leaders mula sa iba’t-ibang mga lugar sa rehiyon ng BARMM ang nakilahok kamakailan sa kauna-unahang Bangsamoro Youth Parliament (BYP) na isinagawa ng Bangsamoro Youth Commission (BYC).
Ang apat na araw na BYP ay isang capacity–building mechanism na naglalayong tipunin ang mga kinatawan ng kabataan sa rehiyon upang talakayin ang mga umiiral na isyu na nakakaapekto sa sektor ng kabataan at gumawa ng mga posibleng polisiya tungkol dito.
Sa isinagawang aktibidad ay tinalakay ni BYC Chairperson Marjanie Mimbantas-Macasalong ang mga mandato ng BYC, habang iprenesenta naman ni BYC Commissioner Nasserudin Dunding ang Bangsamoro Youth Transition Priority Agenda 2020-2022.
Dagdag pa rito, binigyang-diin ni Macasalong ang kahalagahan na masigurong mabibigyan ng lugar ang kabataan na makipag-ugnayan sa iba’t-ibang sektor.
Ang aktibidad ay may temang “Kabataang Bangsamoro embodying the Bangsamoro Youth Transition Priority Agenda (BYTPA).” (With reports from BIO-BARMM).