LUNGSOD NG COTABATO (PIA)— Inihain kamakailan ng ilang miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang panukalang batas na magbibigay ng pagkilala at insentibo sa Bangsamoro topnotchers ng mga national licensure test na ibinibigay ng Professional Regulation Commission (PRC) at ng Supreme Court (SC).
Ayon kay Member of Parliament Amilbahar Mawallil, ang pangunahing may-akda ng panukalang batas, na kapag naipasa na ang nasabing panukala ay magsisilbi itong inspirasyon sa lahat ng mga kukuha ng national exam.
Dagdag pa nito, ang mga indibidwal at iba pang mga residente sa rehiyon na makakakuha ng puwesto sa Top 10 ng anumang national licensure examination sa academic at educational fields, kabilang na ang professional licensure examinations na ibinibigay ng PRC at Bar exams eksklusibong pinangangasiwaan ng SC ay karapat-dapat para sa insentibo.
Kapag naaprubahan ang panukalang batas ng 80 miyembro ng BTA, ang panukalang Parliament Bill 163 ay tatawaging Bangsamoro Excellence and Incentives Act of 2021.
Kabilang din sa mga may akda ng nasabing panukala ay sina Atty. Laisa Alamia, Engr. Baintan Ampatuan, Atty. Rasol Mitmug Jr., Rasul Ismael, Engr. Don Loong, Atty. Suharto Ambolodto, at Abraham Burahan. (With reports from Publication and Media Relations Division, BTA)