Nagsagawa na rin ng inspeksyon ang Provincial Incident Management Team (IMT) sa mga piling barangay ng Roxas, Palawan para sa gagawing Incident Command Post Hub sa lugar.
Nakipag-ugnayan din ito sa Municipal Mayor kasama ang mga kawani ng PDRRMO, Bureau of Fire Protection (BFP), Red Cross, Rescue 165, Western Command (WESCOM), at MDRRMO Roxas.
Ang bayan ng Roxas ang isa sa mga munisipyo sa Palawan na matinding hinagupit ng Bagyong Odette kamakailan kung saan maraming imprastraktura, kabuhayan at mga kabahayan ang nasira dahil sa pananalasa ng bagyo.
Patuloy din ang Rapid Damage Assessment and Needs Analysis sa nasabing lugar at nagpapatuloy ang pamamahagi ng ayuda at family food packs sa mga apektadong residente.
Nagkaroon naman ng joint meeting ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC)-Mimaropa, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC)-Palawan at Puerto Princesa City Disaster Risk Reduction and Management Council kanina upang talakayin ang patuloy na isinasagawang response operations kaugnay sa pananalasa ng Bagyong Odette. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)