LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng North Cotabato (PIA)—Nasa 88 porsyento na ang natapos sa nagpapatuloy na implementasyon ng proyektong farm-to-market road o FMR dito sa lungsod.
Ang FMR na may habang 9.35 kilometro ay magdudugtong sa mga barangay ng Sumbac, Macebolig, at Onica patungo sa sentro ng Kidapawan City. Ito ay nagkakahalaga ng P132 milyon kung saang 80 porsyento ng pondo ay nagmula sa Philippine Rural Development Program o PRDP, 10 porsyento sa Department of Agriculture o DA XII, at 10 porsyento naman sa pamahalaang panlungsod.
Sinimulan ang proyekto noong Disyembre 2019 ngunit ito ay naantala dahil sa pandemya dulot ng coronavirus disease 2019.
Ang proyekto ay magkatuwang na ipinatutupad ng City Engineering Office at ng City Planning and Development Office.
Ayon kay City Mayor Joseph Evangelista, makatutulong ang FMR upang maiangat ang pamumuhay ng mga magsasaka sa lugar dahil mas madali nang mailuluwas ang mga produkto ng mga ito patungo sa pamilihan. Dagdag pa rito, mas mapabilis na ang transportasyon ng mga residente. (With reports from CIO-Kidapawan)