LUNGSOD NG COTABATO (PIA)—Nagbabala kamakailan ang Bangsamoro Sports Commission (BSC) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa publiko laban sa mga indibidwal na nagpapakilala bilang empleyado ng komisyon at nag-aalok ng pekeng trabaho.
Ito ay kasunod ng pagkakahuli sa isang Bassir A. Sumampao, 26, na umano'y nagtatrabaho bilang Administrative Aide VI ng BSC. Si Sumampao ay dinala sa kustodiya ng pulisya kamakailan matapos siyang i-report ng kanyang dalawang biktima sa Intelligence and Security Services ng BARMM.
Ipinahayag ni Sports Development Officer Haron Bancaling na itinanggi ng BSC ang kaugnayan sa suspek, at anumang aktibidad/transaksyon na ginawa sa pamamagitan niya ay hindi kikilalanin ng BSC.
Dagdag pa ni Bancaling, ang BARMM ay mayroong Bangsamoro Job Portal kung saan inilalathala ang mga oportunidad sa lahat ng mga ministry.
Hinikayat din ni Bancaling ang publiko na bisitahin ang nasabing website upang maiwasan ang mga pekeng alok na trabaho. (With reports from Bangsamoro Information Office).