LUNGSOD NG BUTUAN -- Tumutulong din ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pagpapatayo ng mga bahay na masisilungan ng mga biktima ng bagyong Odette sa pamamagitan ng programang 'TESDAmayan'.
Layon nitong makapagbigay ng pabahay sa mga pamilyang lubhang naapektuhan sa Caraga Region, kung saan tulung-tulong ang mga TESDA trainers kasama ang iba’t-ibang sektor sa pagbigay ng mga kakailanganing materyales para dito.
Agad na nakipag-ugnayan ang TESDA Region 12 sa mga lokal na pamahalaan ng apektadong lugar sa Surigao del Norte upang masimulan agad ang pagpapatayo ng mga bahay.
Ayon kay regional director Rafael Abrogar II ng TESDA Region 12, sa tulong ng trainers, matuturuan ang mga residente sa carpentry para maitayo agad ang kani-kanilang munting tirahan. Bukod dito, bibigyan din ng TESDA Certificate ang mga lalahok sa 'TESDAmayan'.
“Ang ating ginawa dito ay nagdala tayo ng team ng experts sa carpentry, masonry, plumbing, electrical at kasama ang komunidad, kumuha kami ng mga miyembro ng kani-kanilang pamilya o kapitbahay nila para turuan sila paano mag-panday ng kanilang nasirang bahay at maging sa electrical. Tulung-tulong ang ating trainers at ‘yung ating mga tinuruan ay sila mismo ang gagawa ng kanilang matitirhan,” ani ni Abrogar.
Nagsagawa rin sila ng assessment sa nasirang Provincial Capitol Building at Provincial Training Center ng TESDA at agad nilang inaksyunan ang pagsasaayos ng mga ito.
Nagpasalamat naman si Arturo Santillana, Jr., punong barangay ng Punta Bilar sa Surigao City, dahil kabilang ang kanilang lugar sa mga tutulungan ng 'TESDAmayan'. Sa mahigit 1,400 na populasyon nila, 95-98% sa mga kabahayan ay nasuring sirang-sira na o 'totally damaged'.
“Maraming salamat sa TESDA sa pagsisikap na rin ng lokal na pamahalaan ng Surigao at sa iba pang mga ahensiya ng gobyerno sa tulong,” banggit niya.
“Maraming salamat sa tulong ng gobyerno sa pagsasaayos ng aming bahay. Malaking tulong po ito lalo na sa kondisyon ko,” pahayag din ni Diosdado Mique, may kapansanan at residente ng Brgy. Punta Bilar. (JPG/PIA-Caraga)