COTABATO CITY (PIA) - Libreng naoperahan sa puso ang 9 na batang pasyente ng Cotabato Regional and Medical Center o CRMC sa Cotabato City matapos magsagawa ng medical mission ang 20 doktor at espesyalista mula sa Philippine Heart Center.
Ang naturang misyon ay inisiyatibo ng CRMC upang mabigyang ginhawa ang mga pasyenteng matagal nang naghihintay ng operasyon sa puso.
Ayon kay Dr. John Maliga, ang spokesperson ng CRMC, lima sa mga ito ang sumailalim sa open-heart surgery habang apat sa kanila ang dumaan sa catheter laboratory o mild heart operation.
Sa ngayon ay stable umano ang kondisyon ng mga pasyenteng naoperahan.
Sinabi ni Dr. Maliga na magkakaroon ng second batch ang nasabing medical mission sa susunod na mga buwan upang maserbisyohan ang mas marami pang pasyente na may heart complications.
Samantala, ibinahagi ni Dr. Maliga ang plano ng CRMC na magkaroon ng Philippine Heart Center Satellite Office bilang tugon na rin sa nakikitang kakulangan ng heart surgeons at mga makabagong gamit para sa cardiovascular surgery o operasyon na may kinalaman sa puso.
Dagdag pa nito na sa kasalukuyan ay may mga doctor silang sumasailalim sa pagsasanay upang maging espesyalista sa cardiovascular surgery.
Ang mga nasabing hakbang ay bilang paghahanda ng CRMC upang makamit ang target nito na maging multidisciplinary hospital sa susunod na 2 hanggang 3 taon. (ACBiwang/PIA Cotabato City)