LUNGSOD NG COTABATO (PIA)--Inihain kamakailan ni Member of Parliament Amir Mawallil ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang panukalang batas na magtatatag ng mga programa para sa kapakanan ng mga persons with disability (PWD) sa rehiyon ng BARMM.
Ang Parliament Bill 167 o ang Bangsamoro Disability Welfare Act of 2021 ay naglalayong magtatag ng isang institutional system upang masiguro ang pagpapatupad ng mga programa at serbisyo para sa mga PWD, at lumikha ng isang Regional Persons with Disabilities Affairs Office (R-PDAO)
Iginiit ni Mawallil na nakasaad sa Bangsamoro Organic Law ang pagpapatayo ng special agency, support facilities, at livelihood o skills training para sa mga PWD at iba pang mga nangangailangan.
Kapag naipasa na sa batas, ang tanggapan ay sasailalim sa pangangasiwa ng Ministry of Social Services and Development, na siyang tututok sa livelihood opportunities at iba pang mga inisyatiba upang mapabuti ang kalusugan, physical fitness, economic at social well-being ng mga PWD.
Kabilang sa mga responsibilidad ng R-PDAO ang pagbabalangkas at pagpapatupad ng mga patakaran, plano, at programa na magtataguyod ng kapakanan ng mga PWD; kumatawan sa sector sa mga pagpupulong ng Bangsamoro Economic Development Council; pangangalap ng mga datos kaugnay sa mga PWD sa lahat ng bahagi ng BARMM local government units; at pagpapakalat ng impormasyon patungkol sa pagsasanay at mga oportunidad sa trabaho, at iba pa. (With reports from Bangsamoro Transition Authority).