Ang mga Coconut Hybrid Seednut nuts na nasa agriculture nursery center na sa Lungsod ng Puerto Princesa at handa nang ipamahagi ng Philippine Coconut Authority (PCA)-Palawan sa mga magsasaka ng niyog na malubhang sinalanta ng bagyong Odette kamakailan. (Larawan mula sa PCA-Palawan)
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Handa nang ipamahagi ng Philippine Coconut Authority (PCA)-Palawan ang nasa 15,000 Coconut Hybrid Seednuts para sa mga magsasaka ng niyog sa Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan na malubhang nasalanta ng bagyong Odette noong Disyembre 2021 ang kanilang mga niyogan.
Ayon kay Engr. Arlo Solano ng PCA-Palawan, dumating na kamakailan ang nasabing mga semilya ng niyog mula sa PCA Zamboanga Research Center sa pamamagitan ng PCA-Region IV na nakabase sa Lucena City.
Naging matagumpay, ani Engr. Solano, ang pagdadala nito sa Palawan sa tulong ng Philippine Coast Guard (PCG), upang maisakay ito sa barko ng 2Go.
Sa impormasyong ibinahagi ng PCA-Palawan, kasalukuyang nasa City Agriculture Nursery Site na, na nasa Bgy. Luzviminda ang 4,000 seednuts na ipapamahagi sa northern part ng Puerto Princesa.
Samantala, 8,000 naman ang para sa bayan ng Roxas at 3,000 ang para sa bayan ng Dumaran, at ang mga ito ay nasa Provincial Agriculture Center na, sa Bgy. Irawan, lungsod ng Puerto Princesa.
Ipapamahagi ito ng PCA-Palawan sa mga magsasaka ng niyog para sa agarang rehabilitasyon ng kanilang mga niyogan na nasira ng bagyo.
Pinasalamatan naman ng PCA-Palawan, sa pangunguna ni Division Chief Engr. Celso F. Maliwanag, ang PCG, pamumuan ng 2Go, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at ang Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa sa suporta ng mga ito sa pagdadala sa Palawan at paghahakot ng mga semilya ng niyog mula sa pantalan ng lungsod patungong mga nursery site. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)