LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Lalong pang palalakasin ng pamunuan ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) ng BARMM ang paghahatid ng kanilang serbisyo sa mamamayan ng rehiyon, matapos ilunsad ng ministry ang bagong flagship program nito na tinawag bilang ‘Lingkod Pamayanan para sa Kapayapaan.’
Bilang pagsisimula ng programa, abot sa 40 na mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Women Auxiliary Brigade (BIWAB) ang nanumpa bilang mga para-social workers.
Ang mga itinalagang para-social workers ay susuporta sa mga Municipal Social Welfare Officers (MSWO) ng MSSD sa paghahatid ng disaster risk reduction at protection services, at pagsasagawa ng psychosocial activities sa mga kababaihan, child-friendly spaces, at iba pa.
Sa ilalim ng pangangasiwa ng MSWOs, target ng ministry na magtalaga ng nasa kabuuang 1,145 volunteer para sa social-workers sa buong rehiyon upang mas mapahusay pa ang paghahatid ng serbisyo lalo na sa mga mahihirap na komunidad.
Ang Lingkod Pamayanan Para sa Kapayapaan Project ay nabuo sa pakikipagtulungan ng BIWAB, United Youth of the Philippines-Women, United Nations Population Fund, International Organization for Migration at Bangsamoro Information Office. (With reports from MSSD-BARMM).