Binasbasan ni Rev. Fr. Noel del Rosario ang art exhibit para sa pagdiriwang ng Buwan ng Sining. Matatagpuan ito sa Palawan Heritage Center. (Larawan mula sa PIO-Palawan)
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pakikipagtulungan ng Kiwanis Damayan ng Agila-Palawan ang pagdiriwang ng Buwan ng Sining ngayong Pebrero.
Ito ay sa pamamagitan ng pagbubukas ng isang art exhibit na nagpapakita ng makukulay na likha ng mga bagong sibol na pintor sa Palawan.
Ang nasabing art exhibit ay taunan nang isinasagawa sa Palawan Heritage Center sa Legislative Building sa Kapitolyo ng Palawan.
Sa temang ‘Sining ng Pag-asa,’ layon ng naturang aktibidad na pagbuklurin ang lahat ng mga alagad ng sining sa lalawigan mula sa iba't-ibang uri nito upang lalo pang malinang at mapanatili ang mayamang kultura at sining ng bansa sa pamamagitan ng pagtatanghal at sining biswal.
Ang pagbubukas ng Buwan ng Sining sa Palawan ay sinimulan sa pamamagitan ng isang banal na misa na pinangunahan ni Rev. Fr. Noel del Rosario maging ang pagbabasbas ng art exhibit.
Pinangunahan naman ni Bise Gobernador Victorino Dennis M. Socrates ribbon-cutting para sa pagbubukas ng exhibit.
Kasabay ng selebrasyon ng buwan ng sining ay ginugunita rin ang ika-pitong taon ng pagkakatatag ng Guhit Pinas-Palawan, na siyang nagtampok ng mga obra sa gusaling kapitolyo na matutunghayan din sa Facebook page ng Palawan Heritage Center. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)