LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Mas pinagtibay ngayon ng Bangsamoro Ministry of Environment, Natural Resources, and Energy o MENRE ang ugnayan sa mga local power firms ng Cotabato City at Maguindanao upang mas mapalakas ang energy sector sa rehiyon.
Ito’y matapos magsagawa ng konsultasyon ang MENRE kasama ang Maguindanao Electric Cooperative o MAGELCO at Cotabato Light and Power Company para mabalangkas ang mga polisiya at hakbang na gagawin para sa pagbuo ng Bangsamoro Energy Development Plan mula 2023 hanggang 2028.
Ayon kay MENRE Deputy Minister Akmad Brahim, magtutuloy-tuloy ang kanilang pakikipag-usap sa mga kooperatiba sa rehiyon sa layuning mas maging maayos ang serbisyong matatanggap ng mga residente.
Kabilang sa tututukan umano ng ahensya ang pagsasaayos ng financial status ng mga kooperatiba, pagpapataas ng power supply, at pagresolba sa iba pang problema na kinakaharap ng sector.
Nangako naman ang MAGELCO at Cotabato Light na magbibigay sila ng technical assistance at expertise sa MENRE upang mapagtibay at gawing mas komprehensibo ang ginagawang energy development plan.
Matatandaan na nauna nang makipag-pulong ang MENRE sa mga electric cooperatives sa Basilan, Sulu at Tawi-tawi noong nakaraang taon upang mahingan din ng suhestiyon sa nakikitang mababang suplay ng kuryente sa mga nabanggit na lugar. (With reports from MENRE)