Magkasunood na pinasinayaan sa pangunguna nina Gob. Jose Ch. Alvarez, Palawan Water Head Engr. Ann Michelle Cardenas, at mga lokal na opisyales ng bayan ng Roxas ang dalawang proyektong tubig na itinayo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa munisipyo ng Roxas. (Larawan mula sa PIO-Palawan)
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Mayroon nang mapagkukunan ng malinis na inuming tubig ang dalawang isla sa bayan ng Roxas, Palawan dahil natapos na ang mga proyektong tubig na itinayo dito ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.
Kamakailan ay napasinayaan na ang kauna-unahang Community-Based Reverse Osmosis Desalination Plant na may Solar-powered Automatic Dispensing Station sa Green Island.
Ang proyektong tubig sa nasabing isla ay sa pamamagitan ng desalination plant, kung saan sa pamamagitan ng prosesong ito ay magiging high quality potable water na ang tubig-alat at maaari na itong inumin ng mga residente.
Upang makabili naman ng tubig mula sa nasabing proyekto ay kailangang gamitin ang Solar Dispensing Station, sa pamamagitan ng paggamit ng reloadable keycard ng bawat konsyumer. Inaasahang nasa mahigit 300 residente ng Green Island ang makikinabang sa nasabing proyekto.
Samantala, handa na ring magbigay-serbisyo sa mga mamamayan ng Johnson Island sa bayan pa rin ng Roxas, Palawan ang Johnson Underwater Pipeline Water System.
Ang proyektong tubig na ito ay nasa 27 kilometro ang haba ng linya mula sa Sandoval River kung saan 12 kilometro nito ay idinaan sa karagatan patungong nasabing isla.
Ang dalawang proyektong ito ay magkasunood na pinasinayaan sa pangunguna nina Gob. Jose Ch. Alvarez, Palawan Water Head Engr. Ann Michelle Cardenas, at mga lokal na opisyales ng bayan ng Roxas. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)