Pinasalamatan ni Mayor Lucilo Bayron ang mga magulang at batang nagpabakuna sa Pediatric Vaccination Launching na ginanap sa Puerto Princesa City noong Pebrero 24.(Larawan ni Mike Escote, PIA Palawan)
PUERTO PRINCESA, PALAWAN, (PIA) -- Pinasalamatan ni Mayor Lucilo Bayron ang mga magulang at mga batang pumayag na unang nabakunahan sa naganap na Pediatric Vaccination Launching sa Puerto Princesa City noong Pebrero 24.
“Unang-una magpapasalamat ako sa mga magulang kasi kung wala dito yung mga bata na babakunahan eh yan ay desisyon nila at, wala tayong magandang simula. Launching ng ating bakunahan sa mga bata at syempre kailangan papayag sila na mabakunahan kaya maraming salamat sa inyong mga bata at nakita niyo yung importansya ng pagbabakuna,” pahayag ng Alkalde.
Sa kaniyang talumpati, iniugnay naman ni Bayron ang kahalagahan ng pagbabakuna sa mgga kabataan sa edukasyon, aniya, sinasabing ang mga kabataan ang pag-asa sa hinaharap ng lungsod subalit dahil sa pandemya, ang nangyayari ay wala nang face to face na pagaaral at ang mga ito ay nasa distance learning na napakalaking kabawasan sa pagaaral ng mga kabataan.
Dahil dito, kailangan aniyang apurahing mabuksan ang face to face classes ng mga mag-aaral para makahabol sila dahil atrasado na aniya ang mga ito bagamat tiwala naman siyang makakahabol ang mga bata dahil magagaling ang mga kabataan sa siyudad pero kailangang mapursigihan na maabot ang target na bilang ng mga mababakunahan.
Ibinalita niya rin na sa target aniya na 70% ng populasyon na mababakunahan para makuha ang herd immunity sa siyudad, noong Pebrero 23 ay umabot na ito sa 56%. Tiwala naman si Bayron na sa pagpapabakuna sa mga bata ay lalakas naman ang vaccination sa siyudad matapos bumagal ang pagbabakuna sa mga nag-e-edad 11-17 taong gulang.
Kaugnay nito ay inatasan niya si City Health Officer at Puerto Princesa City Covac Team Commander Dr. Ricardo Panganiban na palakasin ang pagpapabakuna at huwag tumigil, kung maaari aniya ay wala munang magbakasyon habang gusting-gusto pa ng mga magulang at mga bata na magpabakuna dahil kung tumigil aniya ang momentum ay baka mahirapan na naman na mapalakas ang pagbabakuna sa siyudad. (MCE/PIA-MIMAROPA, PALAWAN)