No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DAR hinihikayat ang kabataan na tangkilikin ang agrikultura

PIKIT, Lalawigan ng Cotabato (PIA) -- Hinikayat ng Department of Agrarian Reform ang mga kabataan sa Barangay Katilacan sa bayan ng Pikit na tangkilikin ang mga aktibidad may kaugnayan sa agrikultura.

Sa ginanap na turn-over ceremony ng P1 milyong halaga ng livelihood support project sa nabanggit na barangay kamakailan, binigyang-diin ni Atty. Ranibai Dilangalen, DAR undersecretary for Mindanao Affairs and Rural Development, ang kahalagahan ng kabataan pagdating sa rural development.

Aniya, dahil ang kabataan ang itinuturing na pag-asa ng bayan, nararapat lamang na maging aktibo sila sa mga aspeto kung saan malakas o mayaman ang bansa at isa na rito ang agrikultura.

Kaugnay nito, sa ilalim ng proyektong ipinagkaloob sa barangay, ang mga guro at magulang ng 30 napiling mag-aaral ng Lamuak Elementary School ay magkatuwang na susuporta at magmomonitor sa mga benepisyaryong kabataan na mangangasiwa sa 15 tilapia cage at isang organic vegetable garden.

Maliban dito, mag-aalaga rin ang mga benepisyaryong kabataan ng 10 kambing at sasailalim sa serye ng technical assistance at capability building activities.

Umaasa si Dilangalen na magtatagumpay ang proyekto at masasanay ang kabataan na bigyang-halaga ang malaking ambag ng agrikultura sa pamayanan. (With reports from DAR-Cotabato Province)

About the Author

Shahana Joy Duerme-Mangasar

Writer

Region 12

Feedback / Comment

Get in touch