LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Abot sa 550 housing units ang itatayo ng Office of the Chief Minister (OCM) sa Special Geographic Area ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Maguindanao sa ilalim ng Kapayapaan sa Pamayanan (Kapyanan) program ng regional government.
Naglaan ng P509 milyong pondo ang Kapyanan Program mula sa 2021 General Appropriations Act of Bangsamoro na layong mabigyan ng maayos na tirahan ang mga kwalipikadong individual at pamilya sa piling lugar.
Itatayo ang naturang mga pabahay sa BARMM– Special Geographic Area (SGA) sa Pigkawayan, Cotabato at sa mga bayan ng Barira, Buldon, Matanog, at Parang, Maguindanao.
Ayon kay Kapyanan Deputy Project Manager Engr. Abdulnasser K. Usman, ang special project na ito ng OCM ay target beneficiaries ang mga pinakamahihirap na pamilya, senior citizens, at iba pang mahihirap na sector sa Bangsamoro region.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang ilan sa mga magiging benepisyaryo ng pabahay. Isa na dito si Asmah G. Ebrahim, residente sa BARMM-SGA Pigcawayan na pangingisda ang kabuhayan.
Aniya, hindi raw nila maisipang magpagawa ng disenteng bahay dahil sa kahirapan sa buhay. Malaking ginhawa umano na mapili ang kanyang pamilya sa programang ito ng BARMM. (With reports from BIO-BARMM)