KORONADAL CITY, South Cotabato (PIA) -- Epektibo Marso 25, pansamantalang ihihinto ng Pamahalaang Panlalawigan ng South Cotabato ang pamimigay ng ayuda sa mga nangangailangang residente.
Ito, ayon kay Gob. Reynaldo Tamayo Jr. ay dahil hindi nakakuha ng exemption ang pamahalaang panlalawigan mula sa Commission on Election (Comelec) hinggil sa pagbabawal ng paggasta ng pondo para sa mga tulong pinansyal sa mahihirap na mamamayan.
Batay kasi sa Comelec Resolution No. 10747, ipinagbabawal ang paglabas, pagbayad, at paggasta ng public funds mula Marso 25 hanggang Mayo 8, 2022.
Dahil dito, pinayuhan ni Gob. Tamayo ang mga nangangailangan na tumungo sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development para matugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Samantala, sa hiwalay na panayam, sinabi ni Provincial Social Welfare and Development Officer Haide Agustin na apektado sa naturang election ban ang pamimigay ng tulong ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), kabilang ang tulong pinansyal para sa na-oospital, pambili ng medisina, panlibing ng kapamilya, maging ang pamamahagi ng tulong pangkabuhayan.
Ganito rin aniya ang sitwasyon sa lahat ng lokal na pamahalaan sa buong lalawigan.
Nilinaw din ni Agustin na sa nasambit na panahon, ang Philippine Red Cross ang naatasang mamamahagi ng ayuda sakaling may mangyayaring kalamidad.