LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato (PIA)—Karagdagang 77 pamilya dito sa lungsod na naapektuhan ng lindol noong 2019 ang nabigyan ng bagong bahay nitong Lunes.
Partikular na benepisyaryo ng proyektong pabahay ang mga residente ng Sitio Sumayahon ng Barangay Perez.
Nabatid na bawat bahay ay nagkakahalaga ng P289,000. Ang pondo ay nagmula sa National Housing Authority o NHA at sa Office of Civil Defense o OCD. Samantala, ang lupang pinagtayuan ng mga bagong bahay ay counterpart ng pamahalaang panlungsod ng Kidapawan, ayon kay Engr. Divina Fuentes, head ng City Planning and Development Office.
Sa ginanap na turn-over ceremony, namigay din ang pamahalaang panlungsod ng quality rice, canned goods, at kitchen and sleeping kits upang magamit ng mga benepisyaryo sa kanilang paglipat.
Ito na ang ikatlong turn-over ng mga bagong housing unit sa Barangay Perez matapos ang pamamahagi ng mga bahay sa Sitio Lapan at Sitio Embassy nitong nakalipas na taon.
Maliban naman sa 77 bagong bahay, may pito pang housing unit sa Sitio Sumayahon ang ititurn-over sa oras na makumpleto na ang requirements para dito. (With reports from JSCJ&AA-CIO Kidapawan)