SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Iba’t ibang produkto ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa probinsya ang ibinenta kamakailan sa isinagawang Provincial PDL Livelihood Trade Fair sa San Jose municipal compound.
Ayon kay JSInsp Bryan Paul Rañada, Assistant Jail Prov Administrator, layon ng programa na matulungan ang mga PDL na magkaroon ng pagkakakitaan habang nakadetine sa District Jail. Aniya, ang kita ng mga PDL ay pambili ng kanilang mga pangangailangan habang nasa loob ng kulungan at maaari ring ipadala sa kanilang pamilya.
Kabilang sa kanilang mga gawang produkto ay alkansya na yari sa bao, jewelry box na yari sa kawayan, beaded products, mga kakanin gaya ng pastillas, pulboron, tinapay, at marami pang iba.
Sinabi ni Rañada na matagal nang sumasailalim sa iba’t ibang pagsasanay ang mga PDL, sa tulong ng Ilang samahan at ahensya tulad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Aniya, ito na ang tamang pagkakataon upang pakinabangan ng mga detainee ang kanilang mga natutunan.
Upang makapagsimula, pinahiram muna ni Rañada ng konting halaga bilang puhunan ang mga PDL. Mula sa napagbentahan ng mga ito, bumawas muna ng kaunti upang dahan-dahang maibalik ang perang ipinahiram. Sa ganitong paraan aniya, may matitira pa ring kita para sa mga PDL.
At dahil hindi sapat ang panahong naitampok ang mga produkto ng mga PDL sa Plaza, hinihikayat ni Rañada ang publiko na tingnan ang iba pa nilang gawa sa San Jose District Jail Facebook Page na matatagpuan sa link na ito: https://www.facebook.com/sanjose.districtjail.3/posts/465112848696399
Maaari aniyang mag-iwan ng komento o mensahe sakaling may mapiling produkto na nais bilhin.
Tiniyak ng opisyal na malaking tulong sa mga PDL kung tatangkilikin ng publiko ang kanilang mga produkto.
Ang Provincial PDL Livelihood Trade Fair ngayong Marso ay programa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Women’s Month. (VND/ PIA MIMAROPA)