LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Nagpaalala ang Cotabato Light and Power Company (Cotabato Light) sa mga konsumante nito sa lungsod ng Cotabato na iwasan ang self-repair o ang pag-aayos ng sira sa kuryente upang maiwasan ang sunog.
Sinabi ni Cotabato Light President at Chief Operating Officer Valentin Saludes III sa mga residente sa lungsod na hayaaan ang mga lisensyadong electrician na ayusin ang luma at sira-sirang mga wire at cord ng kuryente sa kanilang mga bahay.
Binigyang-diin din ni Saludes na ang overloading ng electrical circuits ay maaari ring pagmulan ng sunog kaya pinapayuhan ang mga konsumante na iwasan ang pagsaksak ng maraming appliances sa pamamamagitan ng extension cords.
Dagdag pa rito, sinabi rin ng Cotabato Light na ang pagtanggal sa mga saksakan kung hindi ito ginagamit ay maaring makaiwas sa sunog at mababawasan din aniya nito ang mataas na konsumo sa kuryente.
Samantala, nagbabala rin ang Cotabato Light sa publiko laban sa hindi awtorisadong pag-tap ng kuryente na nakasaad sa Republic Act 7832, o ang Anti-Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994. (With reports from Cotabato Light).