LUNGSOD NG COTABATO (PIA) - Patuloy ang paghihikayat ng Department of Agriculture - Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (DA-PHilMech) sa mga magsasaka ng palay sa Region 12 at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na sumali sa mga kooperatiba o asosasyon upang makabenepisyo sa ipinamamahaging makina ng ahensya.
Ayon kay Engr. Ray Adarna DA-PHilMech Mindanao Cluster Head, prayoridad na mabigyan ng mga makinarya ang mga rehistrado at aktibong kooperatiba upang masiguro na magagamit ito ng maraming magsasaka.
Sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) – Mechanization Program ng DA-PHilMech, nakasaad na registered farmers’ cooperative at associations (FCAs) na may 50 ektaryang lupang sinasaka ang kwalipikadong mabigyan ng mga makina.
Nanawagan si Adarna sa mga magsasakang hindi pa kasapi ng ano mang grupo o samahan na magpakita ng interest na sumali sa FCAs sa kanilang mga lugar.
Sa mga magsasaka umano na nais bumuo ng kanilang grupo, payo ni Adarna na makipag-unayan sa municipal o city agriculture office upang magabayan sa proseso ng pagpaparehistro.
Samantala, iniulat ng DA-PHilMech na umabaot na sa P776.5 milyon ang halaga ng mga makinang naipamahagi sa 329 FCAs sa Region 12 at 57 FCAs sa BARMM base sa February 2022 report ng ahensya.
Sa ilalim ng Rice Tariffication Law, naatasan ang DA-PHilMech na pangasiwaan ang P5 bilyon pondo kada tao mula sa RCEF para sa farm mechanization program.