LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- May bago nang gusali ang mga senior citizen sa lungsod ng Cotabato matapos buksan kamakailan ng pamahalaang panlungsod ng Cotabato ang Senior Citizens Building na matatagpuan sa Datu Udtog Matalam, Malagapas, Barangay Rosary Heights 10 sa lungsod.
Ang nasabing gusali ay magsisilbing bagong Office on Senior Citizen Affairs sa lungsod na pinondohan ng Senior Citizens Partylist sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panlungsod.
Sa kanyang mensahe ay pinasalamatan ni Cotabato City Mayor Atty. Frances Cynthia Guiani-Sayadi ang mga tumulong upang maisakatuparan ang nasabing proyekto. Muli ring iginiit ng alkalde na ipagpapatuloy ng pamahalaang panlungsod ang pagsusulong sa mga programa at karapatan ng mga senior citizen.
Dagdag pa rito, matatagpuan din sa gusali ang Office of the Senior Citizen Government Retirees at ang Federation of Senior Citizens Association of the Philippines Inc. Cotabato City Chapter.
Samantala, nag-donate rin ng limang office chair, limang office table, at dalawang cabinet ang Japan International Cooperation Agency (JICA).
Sa kabilang banda, kasabay ng pagbubukas ng gusali ay abot sa apat na centenarians o senior citizens edad 100 pataas ang nakatanggap ng P100,000 bawat isa mula sa Department of Social Welfare and Development at dagdag na P25,000 mula sa Senior Citizen Partylist. (With reports from City Government of Cotabato).