LUNGSOD PARAÑAQUE, (PIA) -- Bukas na muli ang walk-in service para sa mga aplikante ng Apostille ngayon Huwebes, March 24, 2022 matapos itong supendihin kahapon ng Department of Foreign Affairs-Office of the Consular Affairs (DFA-OCA).
Ayon sa DFA, pansamantalang ipinatigil kahapon ang walk-in services na nagnanais kumuha ng Apostile dahil naabot na ang quota para sa araw dulot ng biglaan pagdagsa ng mga aplikante Martes pa lamang ng gabi.
Inaalam pa diumano ng tanggapan ang dahilan ng biglaang pagdagsa ng mga aplikante.
Samantala, muli namang pinapaalam ng DFA na ang quota ng aplikante para sa walk-in ng Apostille services sa DFA-ASEANA ay 300 na katao kada araw.
Nagpapapasok sila ng mga aplikante at nagbibigay ng numero simula 7 AM.
Binigyan diin din ng DFA na hindi kailangang pumila sa DFA-ASEANA ng dis-oras ng gabi.
Pinapaalala din ng ahensiya na bukod sa DFA-ASEANA, pwede ring mag walk-in ang mga aplikante para sa Apostille service sa mga sumusunod na DFA offices: NCR West (150 aplikante); NCR East (100 aplikante); Pampanga (80 aplikante); NCR South (150 aplikante); CO Iloilo (60 aplikante); NCR Northeast (80 aplikante); La Union (50 aplikante); Davao (90 aplikante); Cebu (100 aplikante); at Cagayan de Oro (37 aplikante). (DFA/ PIA-NCR)