Ipinapaliwanag ni DTI Occ Mdo OIC Nornita Guerrero ang kanilang iniaalok na serbisyong labelling at packaging ng produkto, maliban sa iba pang mga tulong sa ilalim ng programang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa. (LGU Mamburao)
SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- May 48 Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) mula sa iba’t ibang bayan ng probinsya ang kasalukuyang benepisyaryo ng programang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG) ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ang PPG, ayon kay Nornita Guerrero, OIC- Provincial Director DTI OccMdo, ay nagkakaloob ng livelihood assistance sa mga priority sector na naapektuhan ng kalamidad, kabilang na ang COVID-19 Pandemic.
Ipinaliwanag ni Guerrero na ang PPG ay may 20 na mga benepisyaryo sa Sta Cruz; 23 sa Mamburao; dalawa sa San Jose; at tig-iisa naman sa mga bayan ng Abra de Ilog, Sablayan at Rizal.
“Sa ngayon, ito ang programa na ating ibinibigay sa ating mga MSMEs na nangangailangan ng tulong upang muling makabangon sa kanilang pagnenegosyo,” saad ng opisyal.
Kamakailan lamang ay bumisita ang DTI OccMdo sa Mamburao upang magkaloob ng pakete ng mga tulong sa mga gumagawa ng kakanin sa nasabing munisipalidad. Ani Guerrero, labis siyang natuwa nang makita ang mga produktong kakanin ng mga PPG beneficiaries.
“Masarap at presentable ang mga kakanin na ginawa nila at makakatulong pa ang DTI sa label at packaging ng ganitong MSME products,” saad ng opisyal.
Panukala pa ni Guerrero, kapag natulungan ng DTI ang mga MSME’s sa labelling at packaging ng kanilang mga produkto, pwede itong gawing souvenir ng pamahalaang lokal, gayundin ng mga ahensya at paaralan sa isang bayan, tuwing sila ay magkakaroon ng mga panauhin.
Ipinaalala rin ni Guerrero na sakaling may iba pang maitutulong ang kanilang tanggapan sa mga MSME’s ay huwag sanang mag-atubili ang mga ito na magtungo sa mga Negosyo Center na itinayo sa iba’t ibang bayan sa probinsya. Maaari din aniyang direktang makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan na matatagpuan sa Municipal Compound ng bayan ng San Jose. (VND/PIA MIMAROPA)