LUNGSOD NG COTABATO (PIA)--Abot sa 300 housing units ang nakatakdang itayo ng pamahalaan ng BARMM sa pamamagitan ng programang Kapayapaan sa Pamayanan o KAPYANAN sa anim na mga barangay sa bayan ng Pikit, North Cotabato na kabilang sa Special Geographic Area ng rehiyon.
Ang proyektong pabahay ay may kabuoang halaga na P198 milyon na may kasamang solar powered light, water system component, street lights, at linear canal system.
Ito ay itatayo sa mga barangay ng Nalapaan, Nunguan, Balungis, Gotokan, Macabual at Nabundas.
Sa isang pahayag sinabi ni Pikit Mayor Sumulong Sultan, na syang nag-donate ng naturang 1.5 ektaryang lote, na malaki ang maitutulong ng nasabing proyekto lalo na sa mga residenteng nawalan ng tirahan dulot ng armadong tunggalian.
Ang proyektong pabahay ay inaasahang matatapos sa loob ng walong buwan.
Samantala, ang KAPYANAN ay isang special program ni Chief Minister Ahod Ebrahim na naglalayong mabigyan ng maayos na bahay ang mga mahihirap na komunidad sa rehiyon. (With reports from BIO-BARMM).