LUNGSOD NG COTABATO (PIA)--Dalawang mga kooperatiba mula sa lungsod ng Cotabato at bayan ng Carmen sa North Cotabato ang nakatanggap kamakailan ng tig-isang food processing facility mula sa pamahalaan ng BARMM sa pamamagitan ng Ministry of Science and Technology (MOST).
Ang proyekto ay nagkakahalaga ng P1 milyon na bahagi ng Science and Technology Livelihood Assistance Program ng MOST.
Sinabi ni MOST Minister Engr. Aida Silongan, layunin ng proyekto na suportahan ang mga kooperatiba sa rehiyon upang sila ay makagawa ng mas maraming produkto at makatanggap ng mas maraming kita.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang Mhanie’s Food Products Cooperative na gumagawa ng mga Moro delicacy tulad ng ‘dudol’, ‘kumukunsi,’ ‘tipas,’ at iba pa. Sila ay matatagpuan sa Barangay Mother Tamontaka sa lungsod ng Cotabato.
Isa rin sa benepisyaryo ang Carmen Agricultural Resource and Development Multi-Purpose Cooperative na gumagawa ng virgin coconut oil mula sa Special Geographic Area ng BARMM. (With reports from BIO-BARMM).