Personal na ipinamahagi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre H. Bello III, katuwang sina Palawan Governor Jose Ch. Alvarez, Puerto Princesa City Councilor Victor S. Oliveros at ilang matataas na opisyal ng DOLE ang iba't-ibang tulong pangkabuhayan sa mga benepisyaryo nito sa lungsod at lalawigan. Isa sa mga grupo na tumanggap ng tulong pangkabuhayan ay ang 15 benepisyaro ng BikeCination Program. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Iba’t-ibang tulong pangkabuhayan ang ipinamahagi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre H. Bello III sa mga benepisyaryo sa lungsod at lalawigan ng Palawan.
Personal nitong ipinamahagi ang tulong pangkabuhayan sa 15 benepisyaryo ng BikeCination Program, 50 benepisyaryo ng Government Internship Program (GIP), 141 benepisyaro ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), isang benepisyaryo ng Wounded In Action at tatlo ang benepisyaryo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Program.
Namigay din ito ng iba pang tulong pangkabuhayan, tulad ng puhunan sa bigasan at puhunan sa sari-sari store.
Sa mensahe ni Sec. Bello, sinabi nito na ang pera ng gobyerno, ang pera ng DOLE ay pera ng tao, kaya nararapat lamang na ipamigay ito sa tao sa pamamagitan ng iba’t-ibang tulong pangkabuhayan.
“Habang nandito ako, ipamimigay ko ang pera ng tao sa tao. Sabi ni Presidente sa akin, ‘yong pera ng gobyerno, ‘yong pera ng Department of Labor, pera ng tao ‘yan, kaya ibigay mo sa tao, kaya yan ang ginagawa ko, ipinamimigay ko ang pera ng tao sa mga tao,” ang pahayag ni Sec. Bello.
Nangako rin si Sec. Bello sa harap ni Gov. Jose Ch. Alvarez at City Councilor Victor S. Oliveros bilang representate ni Mayor Lucilo R. Bayron, na magbibigay ito ng karagdagang pondo para sa TUPAD Program kung saan P20 milyon ang ibibigay niya sa lalawigan ng Palawan at P10 milyon naman sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Si Sec. Bello ang nanguna sa pagpapasinaya ng DOLE-Palawan Field Office nitong Abril 8 kung saa,n dumalo rin sina Gov. Alvarez at City Councilor Oliveros at iba pang matataas ng opisyal ng DOLE. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)