Tinanggap ng mga benepisyaryo mula sa Lungsod ng Puerto Princesa ang tulong puhunan mula mismo kay DOLE Secretary Silvestre H. Bello III, kasabay ng pagbisita nito sa lungsod nitong Abril 8. Ito ay sa ilalim ng BikeCination Project ng nasabing Kagawaran. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Labing-limang benepisyaryo mula sa lungsod ang tumanggap ng tulong puhunan sa ilalim ng BikeCination Project ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Tinanggap ng mga benepisyaryo ang nasabing tulong puhunan mula mismo kay DOLE Secretary Silvestre H. Bello III, kasabay ng pagbisita nito sa lungsod nitong Abril 8.
Ayon kay DOLE-Palawan Field Office Chief Luis Evangelista, ang bawat benepisyaryo ay tumanggap ng halagang P25,000 kung saan nakapaloob na dito ang biseklita at ilan pang mga kagamitan na kanilang magagamit sa napili nilang negosyo tulad ng pagbi-benta ng mga kakanin, balut, banana cue, isda at iba pang produkto.
Ayon pa kay Evangelista, isa sa kwalipikasyon para makapasok sa BikeCination Project ay dapat bakunado at ito ay nabibilang sa tinatawag na informal workers.
Maliban sa BikeCination Project ay namahagi rin ang DOLE, sa pamamagitan ni Sec. Bello, ng iba pang tulong-puhunan tulad ng Government Internship Program (GIP), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), Wounded In Action at programa mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)